By: Maeric Andres
Ang pananampalataya at debosyon ay isinasabuhay sa pagpupunyagi, sakripisyo, at sakit tuwing ika-9 ng Enero, kung kailan isang dagat ng mga deboto ang umaagos sa mga kalye sa paligid ng Simbahan ng Quiapo (na ang opisyal na pangalan ay Minor Basilica ng Itim na Nazareno). Sa araw na yon, milyon-milyong deboto ang nagtitipon para sa prusisyon ng mahimalang imahen.
Ang debosyon kay Senor Hesus Nazareno ay mayaman sa kasaysayan—at nananatiling debosyon ng mas nakararaming kalalakihan. Ngunit hindi naman ipinagbabawal sa mga babae na maging deboto, at sa pagdaan ng panahon, mas marami nang babae ang sumasali sa prusisyon—kung saan ang Itim na Nazareno ay nakaluklok sa kanyang karo na siyang tinutulak o hinihila ng mga “Hijos de Nazareno”, ang grupo ng mga kalalakihan na naatasang ibiyahe at proteksiyonan ang imahen.
Ang mga deboto ay sumasali sa prusisyon na nagmumula sa Quirino Grandstand sa harap ng Rizal Park (kung saan ang imahen ay dinala mula sa simbahan) at nagtatapos sa mismong simbahan muli, bandang hatinggabi, kung kailan naibabalik ang imahen.
Milyon-milyong mananampalataya ay naglalakad nang nakapaa sa buong 6.5 kilometro mula grandstand hanggang simbahan. Mabagal ang takbo ng prusisyon dahil sa dami ng tao, imposibleng makagalaw pa nang mas mabilis ang karo. Layon ng mga deboto na mahawakan o mahagkan ang milagrosong istatwa, kahit delikado para sa kanila. Patuloy silang umaakyat sa karo, sa tulong na rin ng mga tao at mga Hijos.
Karaniwan na ang pagkahimatay ng ilang deboto dahil sa pagod, sa init, at hirap sa paghinga dahil sa dami ng nagsisiksikan. May mga nasusugatan at nasasaktan, tulad ng mga naputulan ng daliri sa paa matapos magulungan ng karo. Ngunit sa kabila nito, patuloy ang pagbabalik nila tuwing pista.
Nasa ika-412 na taon na ang Pista ng Itim na Nazareno, at patuloy na ipinagdiriwang ng mga deboto ang kanilang pananampalataya, pasasalamat sa mga biyaya at himalang binigay sa kanila ni Senor Hesus Nazareno, at ang paghugot nila ng lakas para harapin ang mga pagsubok, dalamhati o kasiyahang darating sa susunod na taon.